No-Contact Apprehension Program sa mga motorista na lalabag sa batas-trapiko, inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Maynila

Inilunsad na ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang No-Contact Apprehension Program (NCAP) para sa mga motorista na lumalabag sa batas-trapiko sa pangunahing kalsada sa lungsod.

Ayon kay Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso, sa pamamagitan ng nasabing programa, wala nang ligtas ang mga motorista na lumalabag sa batas-trapiko na dumadaan at bumibiyahe sa lungsod ng Maynila.

Ang mga ikinabit na high-definition cameras ay 24/7 na gumagana kahit pa umuulan habang ang mga tauhan naman ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang magmo-monitor nito bukod pa ang pagmamando nila nang personal sa daloy ng trapiko.


Ang MTPB na rin ang bahalang magproseso o kumuha ng detalye sa Land Transportation Office (LTO) ng pangalan ng may-ari ng sasakyan sa pamamagitan ng plate number.

Ang mga mahuhuli namang lalabag sa batas-trapiko ay makatatanggap ng Notice of Violation sa loob ng dalawang linggo sa pamamagitan ng registered mail.

Maaari namang magbayad ng kanilang multa sa tanggapan ng MTPB o kaya ay sa itinalagang bangko at remittance center.

Dahil dito, binalaan ni Mayor Isko ang mga motorista na pairalin ang disiplina upang hindi na maabala pa at maiwasan na rin ang anumang aksidente.

Facebook Comments