Iaakyat na sa plenaryo ng Kamara ang panukala na magpapatupad ng “No Contact Apprehension” policy sa buong bansa.
Ito ay matapos makalusot sa House Committee on Metro Manila Development at Committee on Transportation ang “substitute bill” para sa nationwide na implementasyon ng “No Contact Apprehension” policy kung saan tuluyan ng aalisin ang panghuhuli ng mga traffic enforcers.
Kapag naging ganap na batas, magkaroon na ng sistematiko at iisang patakaran para sa No Contact Apprehension sa buong Pilipinas.
Dito ay wala nang awtoridad ang mga traffic enforcer para mangharang o manita dahil wala nang “face-to-face” o close contact traffic related apprehension.
Ilan kasi sa mga inirereklamo hanggang sa kasalukuyan ay ang mga abusadong traffic enforcers at isyu pa rin ang “kotong” at korapsyon sa mga ito.
Hindi naman makakatakas ang mga pasaway na motorista sa pananagutan dahil mayroong CCTV camera system na ipatutupad 24/7 at magbabantay sa mga traffic violation.