No Dine-in sa mga Food Establishment, Ipinag-utos ng LGU Santiago City

Cauayan City, Isabela- Ipinag-utos ng LGU Santiago City ang pagpapatupad ng ‘NO DINE-IN’ sa lahat ng mga restaurants, carinderia at iba pang mga food establishments.

Ito ay matapos lagdaan ang Executive Order No. 2021-03-03 ni Mayor Joseph Salvador Tan kung saan magsisimula ang implementasyon nito ngayong araw hanggang March 31, 2021.

Hakbang ito ng pamahalaan upang kahit papaano ay maiwasan ang patuloy na dumaraming aktibong kasong naitala sa lungsod.


Nakasaad sa kautusan na papayagan lamang ang ‘Take-Out at Delivery Services’ base sa araw ng pagpapatupad nito.

Samantala, ipagbabawal rin ang pagpasok sa mga establisyimento ng mga edad 15 pababa at 65 pataas, may karamdaman, buntis at iba pang kabilang sa vulnerable sector.

Kaugnay rin nito, bawal rin ang pagbebenta ng anumang uri ng nakalalasing na inumin sa lahat ng pagkakataon.

Kailangan namang ipagpatuloy ng lahat ng may-ari ng establisyimento ang paglalagay ng logbook para sa contact tracing.

Kung sinuman ang mapapatunayang lumabag sa kautusan sa araw ng implementasyon ay papatawan ng ‘temporary closure’ o di kaya ang suspensyon ng business permit.

Facebook Comments