Manila, Philippines – Hindi matiyak ni House Speaker Pantaleon Alvarez kung matutuloy o hindi ang eleksyon sa 2019.
Ang pahayag ni Alvarez ay kasunod ng pagsusumite sa Kamara ng initial draft ng Federal Charter na binalangkas ng Consultative Committee.
Ayon kay Alvarez, bagamat may schedule naman talaga ang 2019 election, hindi naman matiyak kung matutuloy ba ito.
Giit ni Alvarez, kung gugustuhin na matapos ang chacha ay makabubuting huwag munang mag-eleksyon para hindi naman masabing minadali o bara-bara lang ang pagkakapasa nito.
Aniya, kung magkakaroon ng halalan sa 2019 ay kakailanganin ng mga mambabatas na mangampanya kung saan tiyak na mawawalan ng quorum ang Mababang Kapulungan at mabibitin lang lalo ang chacha.
Kung si Speaker ang tatanungin, mas gusto niyang tapusin ni Pangulong Duterte ang anim na taong termino nito.
Sakaling bumaba sa pwesto si Pangulong Duterte, mayroong kwestyon sa constitutionality nito dahil ang pinasok na kontrata bilang Presidente ay anim na taon na siyang nakapaloob sa 1987 Constitution.