
Pinalutang ni Senator Imee Marcos na hindi imposible ang no-el o No Election sa taong 2028.
Ito ay matapos na maisabatas ang Republic Act 12326 na nagpapalawig sa termino ng mga barangay officials sa limang taon at ipinagpapaliban ang susunod na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa 2028.
Iginiit ni Sen. Imee na walang kapangyarihan ang Kongreso na magtakda ng termino ng mga lokal at nasyonal na mga opisyal.
Malinaw din aniya sa probisyon ng Omnibus Election Code na ang pagpapaliban ng halalan ay hindi maaaring gawin para sa buong bansa lalo na sa pangmatagalang postponement at hanggang barangay at SK lang ang sakop ng kapangyarihan ng Kongreso.
Nagbabala ang senadora na hindi dapat magpakasiguro dahil nakita aniya nitong mga nagdaang araw na kapag sagabal ang batas sa gusto ng administrasyon ay binabaluktot kaya hindi imposible ang no-el o no election sa 2028.
