Ipapatupad ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang “no fly, no drone zone” sa kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa Batasang Pambansa sa Quezon City sa Hulyo 25.
Sa isang panayam, sinabi ni NCRPO Spokesperson Police Lieutenant Colonel Jenny Tecson na hindi kasama sa ban ang mga awtorisadong tao.
Aniya, pag-uusapan pa rin naman ang coverage ng no flying zone o no drone zone sa mga susunod na pagpupulong ng security forces.
Una nang sinabi ng NCRPO na mahigit 21,000 tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang ipapakalat para sa seguridad sa SONA ng pangulo.
Sa naturang bilang na ito, 16,964 ang magmumula sa kanilang hanay, habang 1,905 naman ang mula sa PNP support units at halos tatlong libo ang mula sa iba’t ibang coordinating agencies at iba pang mga ahensiya.
Samantala, inilatag naman ng Quezon City Police District (QCPD) ang seguridad at pagsasaayos ng takbo ng trapiko sa naturang aktibidad.
Ito ay dahil na rin sa inaasahang bibigat ang daloy ng trapiko partikular sa Commonwealth Avenue.
Kasunod nito, inaabisuhan ng mga awtoridad ang mga motorista na kabisaduhin na ang mga alternatibong ruta patungo ng Fairview.
Kung galing ng EDSA at papunta ng Fairview, maaaring dumaan sa North Avenue, kumanan sa Visayas Avenue at kaliwa sa Tandang Sora hanggang makarating ng Mindanao Avenue.
Mula Mindanao Avenue naman, maaaring dumaan sa Quirino Highway o sa Sauyo Road patungo sa destinasyon.
Kung taga-Filinvest Subdivision, Bagong Silangan at Batasan Hills naman, maaaring dumaan sa JP Rizal Street sa Marikina patungo sa Batasan-San Mateo Road papunta sa destinasyon para iwasan ang Commonwealth Avenue.
Pero, nilinaw ng QCPD na bukas pa rin naman ang Commonwealth Avenue sa mga motorista sa July 25 kung saan inilatag lang nila ang mga alternatibong ruta para may mga mapagpilian ang mga komyuter.