‘No Garage, No Car,’ isinusulong ng Senado

Itinutulak ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang panukala na mag-oobliga sa mga nagmamay-ari ng sasakyan na magpakita ng pruweba na mayroong parking space o garahe bago makapagparehistro ng sasakyan sa Land Transportation Office (LTO).

Layunin ng Senate Bill 925 ni Villanueva na matigil na ang pagpa-park ng mga sasakyan sa mga gilid ng kalsada na nagiging sanhi pa ng pagsisikip ng daan at pagbagal ng trapiko.

Sa panukala ay paiiralin ang polisiyang ito na “No Garage, No Car” sa mga lugar tulad ng Metro Manila at mga siyudad na Angeles, Bacolod, Baguio, Batangas, Cagayan de Oro, Cebu, Dagupan, Davao, Iloilo, Naga at Olongapo.


Kapag naging batas ay ipagbabawal na irehistro ang mga sasakyan kapag walang pruweba at garantiya na mayroong garahe na mapaparadahan ng sasakyan.

Mahaharap sa mabigat na parusa ang motorista na magsisinungaling sa LTO na sila ay may parking space gayundin ang opisyal o tauhan ng LTO na magrerehistro ng sasakyan na walang garahe.

Iginiit ni Villanueva na kailangan na ng aksyon sa sobrang dami ng mga may sasakyang wala namang garahe dahil malaki ang nawawala ang bansa sa idinudulot nito na matinding traffic.

Facebook Comments