Cauayan City, Isabela-Inatasan ni Mayor Jay Diaz ng City of Ilagan ang mga awtoridad sa pagpapatupad ng mas mahigpit na health protocols sa harap ng muling tumataas na bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19 sa lungsod.
Sa official statement ng alkalde, isa sa tinitingnang dahilan ng muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa siyudad ay ang ilang indibidwal na pumapasok mula sa labas ng siyudad kung saan huli na ng malamang nakapanghawa na ang mga ito.
Ayon sa Mayor Diaz, kung magpapatuloy ang hindi pagdaan sa inilatag na control checkpoint ng mga indibidwal ay posibleng mas nadagdagan pa ang mga naitalang kaso sa siyudad.
Dahil sa biglaang pagtaas ng kaso sa lungsod, una nang iniutos ni Diaz ang pagsasailalim sa localized lockdown mula alas-8:00 ng gabi ng August 9 at magtatagal ng August 13 ng alas-8:00 ng gabi sa mga barangay ng Cabannungan 2nd; Sta Isabela Sur; Calamagui 2nd; Guinatan maging ang Purok 4 ng Brgy. Alibagu; Purok 6 ng Baligatan; Purok 6 ng Brgy. Cab. 10 at Purok 2 ng Brgy. Rugao, City of Ilagan para makontrol ang hawaan ng virus sa mga ito.
Sa kabila ng kautusan, inatasan ang mga barangay official na ipatupad ang nararapat na hakbang para masigurong ligtas ang publiko sa banta ng nakakahawang sakit.
Samantala, nagpalabas naman ng EO no. 24 para sa bagong travel protocols sa mga magtutungo sa siyudad kung saan kapag galing sa labas ng Isabela ay kinakailangang kumuha ng S-Pass Travel Coordination Permit at magpakita ng negative result ng RT-PCR test sa loob lamang ng 72-oras pagdating sa lunsod.
Para naman sa mga biyahero na magmumula sa ibang mga siyudad o munisipyo sa Isabela ay kinakailangan pa rin na magpresenta ng S-Pass Travel Coordination Permit at negative results ng RT-PCR o Antigen test.
Bukod pa dito, kailangan namang magpakita ng company ID at Certificate of Employment ang mga kabilang sa Authorized Person Outside Residence (APOR).
Gayunpaman, binigyang diin ni Mayor Diaz ang “No Home Quarantine Policy” sa mga indibidwal na apektado ng virus at kailangang nasa mga inilaang quarantine facilities upang maiwasan ang posibleng hawaan.
Mahigpit namang ipagbabawal ang mass gatherings maliban sa mga inotorisang aktibidad ng mga tanggapan ng gobyerno, religious rites at services.
Ipagbabawal rin ang operasyon ng mga palaruan, resorts, swimming pools, pagligo sa mga ilog at mga contacts sports activities.
Tiniyak naman ni Diaz na kung susunod ang lahat sa ipatutupad na polisiya ay siguradong malalampasan ang pandemya.