Cauyan City, Isabela – Iminungkahi ni Isabela Governor Faustino “Bojie” Dy III ang pagkakaroon ng ID sa mga nais pumasok sa mga bahay inuman.
Aniya, isa umano ito sa tatalakayin niya sa Regional Peace and Order Council at sa lahat ng Local Government Units.
Dapat umano na magkaroon ng ID ang lahat ng nagnanais uminom sa mga bahay inuman kung saan bago pagsilbihan ng inumin ay kinakailangang magprisenta muna ng ID at kung walang maipakitang ID ay ipaparating na agad ito sa kapulisan.
Sinabi pa ni Governor Dy na isa umano itong paraan upang makatulong sa kapulisan dito sa lalawigan ng Isabela at maiwasan ang anumang krimen.
Samantala ang pahayag na ito ng gobernador ay kaugnay sa naganap na pagpaslang sa hepe ng PNP Mallig na si Police Chief Inspector Michael Angelo Tubaña at sa naging pahayag ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde na paghuli sa mga tambay sa lansangan lalo na ang mga nakainom na sanhi rin ng kaguluhan at krimen.