AGUILAR, PANGASINAN – Epektibo pa rin sa bayan ng Aguilar ang ipinatupad na “No Movement Day” na isinasagawa tuwing Sabado hanggang sa susunod na abiso ng Municipal IATF Against COVID-19.
Ang Lokal na Pamahalaan ay mag-aabiso umano sa pasyang ibibigay ng Municipal IATF ukol dito.
Batay sa guidelines na nakapaloob sa Executive Order No. 118 Series of 2021 ng ‘No Movement Day’ ay walang papayagan na uri ng transportasyon o sasakyan maliban sa health workers and medical practitioners, PNP at BFP personnel na nakaduty, Municipal Disaster and Risk Reduction Management Council Rescue Vehicle at ang delivery and courier services na naghahatid ng pagkain at mga ilan pang pangangailangan.
Tanging parmasya, ospital, clinic o anumang frontline services, kainan na may takeout at delivery services, banko at remittance center at gasolinahan ang papayagang bukas sa araw na ito.
Sarado naman sa araw na ito ang mga Palengke mapa private Commercial area at private talipapa, simbahan, pribado at pampublikong paaralan, hardware stores at electronic shops, Groceries, mini-mart, convenience stores at sari-sari stores, bawal din ang salons, spas, barber shops, fitness center at gyms.
Ang mga opisyal ng PNP, BFP at opisyal ng barangay ay naatasang magsagawa naman ng pagroronda upang masiguro umano ang pagpapatupad ng kautusan.
Ang paglilinis din naman at ang pag disinfect ay pangangasiwaan ng BFP at MDRRMO sa mga pampublikong lugar habang nakasara ang mga ito.