Inihahanda na ng Philippine National Police (PNP) ang kasong kriminal na isasampa laban kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Debold Sinas, at iba pa, bunsod ng paglabag sa regulasyon ng enhanced community quarantine.
Kaugnay ito ng salu-salong idinaos para sa kaarawan ni Sinas habang umiiral pa ang enhanced community quarantine.
“Per my latest conversation with Philippine National Police Chief PGen. Archie Gamboa, a criminal case is now being readied to be filed tomorrow against NCRPO Chief Debold Sinas, along with other senior police officials who attended the gathering,” pahayag ni Presidential Spokesperon Harry Roque, Huwebes ng hapon.
Maliban dito, humihingi na rin umano ng clearance ang PNP mula sa Office of the President para masampahan ng kasong administratibo ang heneral dahil sa quarantine rules violation.
“Maj. Gen. Sinas is a third level officer and a presidential appointee; hence, a clearance from the OP is needed for the filing of administrative charges of the PNP,” paliwanag ni Roque.
Nitong Miyerkoles, naging viral sa social media ang mga larawan ng kontrobersiyal na pagtitipon na mariing kinondena ng publiko at ilang mambabatas.
Kita sa litratong ipinost ng NCRPO-PIO na walang suot na face mask ang ilang mga pulis at tila hindi rin napatupad sa selebrasyon ang social distancing.
Sa ilalim kasi ng enhanced community quarantine, mahigpit na ipinagbabawal ang anumang uri ng mass gathering upang maiwasan ang paglaganap ng COVID-19.
Humingi naman ng paumanihin si Sinas tungkol sa insidente pero iginiit niyang edited at luma ang ibang larawang kumalat sa Facebook.
”I apologize for what transpired during my birthday that caused anxiety to the public. It was never my intention to disobey any existing protocols relative to the implementation of enhanced community quarantine,” saad ng NCRPO Director.