Cauayan City, Isabela- Ipapatupad ang ‘NO QR CODE, NO ENTRY POLICY’ ng Lokal na Pamahalaan ng Cauayan sa susunod na linggo.
Ayon kay City Mayor Bernard Dy, ito ay layong mas mapabilis ang pagsasagawa ng contact tracing sakaling may magpositibo man sa coronavirus disease o COVID-19.
Maglalagay din ng iba pang kaparehong digital registration sa ibang tanggap ng LGU.
Aniya, tatanggalin na ang nakagawian na pagsusulat sa logbook ang bawat empleyado o mga may importanteng sadya sa cityhall dahil sa digital registration para mapanatili ang ‘No Contact Policy’.
Sa pamamagitan nito, kinakailangan na magrehistro ang isang indibidwal gamit ang ibibigay na link ng LGU para sa QR Code na naglalaman ng kanilang personal na impormasyon na laking tulong para sa contact tracing.
Ayon pa sa alkalde, katuwang ang Nspire Inc. at AJ Enterprises sa pagsasagawa ng nasabing proyekto.
Una nang binansagan ang Lungsod ng Cauayan ‘Ideal City of the North’ at tinaguriang ‘Smarter City’ dahil sa makabagong pamamaraan ang kanilang inilulunsad gamit ang teknolohiya.