“No Vaccine, No Entry” sa mga business establishment, hindi pa napapanahon ayon sa Palasyo

Hindi pa ito ang tamang panahon upang ipatupad ang “No Vaccine, No Entry Policy” ng mga LGU para sa mga establisyemento sa kanilang nasasakupan.

Reaksyon ito ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque kasunod ng ipatutupad na paghihigpit ng Lapu-Lapu City sa Cebu.

Simula kasi ika-25 ng Agosto, hindi na papapasukin sa mga shopping mall, grocery stores at public markets ang mga indibidwal na hindi pa nababakunahan laban sa COVID-19.


Bagama’t pinapurihan ng kalihim ang inisyatibo ng Lapu-Lapu City na paghihigpit sa kanilang lugar, pero sa ngayon ay hindi pa angkop ang ganitong restriction, dahil marami pang mga Pilipino ang hindi pa nakatatanggap ng kanilang COVID-19 vaccine.

Ayon pa sa kalihim, ang ganitong polisiya ay ipinatutupad sa ilang bahagi ng Estados Unidos at France, dahil higit 50% na ng kanilang populasyon ang nabakunahan na.

Facebook Comments