“No vaccine, no pay” na polisiya ng ilang private establishments, pinaiimbestigahan ng Makabayan sa Kamara

Pinaiimbestigahan ng Makabayan sa Kamara ang umano’y “no vaccine, no pay” ng ilang mga pribadong establisyimento.

Kaugnay dito ay inihain ng mga kongresista ng Makabayan ang House Resolution 2309 na kung saan inaatasan ang House Committee on Labor and Employment na siyasatin “in aid of legislation” ang iligal na kautusan ng ilang private establishments na hindi pasuswelduhin ang mga empleyadong hindi pa nagpapabakuna ng COVID-19 vaccine.

Tinukoy sa resolusyon na malinaw sa mga nakasaad sa batas at polisiya na hindi dapat tinatanggalan ng karapatan at walang diskriminasyon sa mga ayaw magpabakuna.


Hindi rin ito sapat na katwiran para tanggalan ng benepisyo at sahod ang empleyadong hindi pa bakunado.

Iginiit ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate na kung mapatunayang totoo ang mga akusasyon laban sa mga pribadong establisyimento ay dapat na mapanagot ang mga ito sa lalong madaling panahon.

Aniya, ang “no jab, no pay” sa mga empleyado ay malinaw na diskriminasyon at iligal na polisiya at practices ng isang kompanya.

Facebook Comments