“No vaccine, No work” policy ng IATF, ipinababasura

Tuluyang ipinababasura ng Gabriela Partylist ang resolusyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na sapilitang pagbabakuna sa mga manggagawa o ang “No vaccine, No work” policy.

Kasabay nito ang pag-sang-ayon din ng Gabriela sa rekomendasyon ng House Committee on Labor and Employment na suspindihin ang Resolution 148-B o mandatory na vaccination bago makabalik sa trabaho ang mga manggagawa.

Giit ng grupo, ang anti-poor at anti-worker na polisiyang ito ay nagpapakita ng diktatoryal na pag-iisip ni Pangulong Rodrigo Duterte para mapwersa ang mga manggagawa na magpabakuna.


Sa halip na sapilitang bakunahan, gawing mandatory dapat ang information drive ng pamahalaan sa COVID-19 vaccine, gayundin ang alokasyon ng mas malaking pondo para sa libreng COVID-19 testing, at libreng pagpapagamot sa mga magkakasakit.

Katwiran pa ng Gabriela, gobyerno ang dapat na tumitiyak sa occupational safety at health ng mga workers at hindi ang mga manggagawa ang pipiliting magpabakuna at gagastos sa COVID-19 tests.

Facebook Comments