Nilinaw ni acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles na para sa buong bansa ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na i-restrict ang kilos o galaw ng mga unvaccinated individual.
Base sa sinabi ni Pang. Duterte sa kaniyang ‘Talk to the People’ kagabi, inaatasan nito ang local government officials na tiyaking hindi makakalabas ng kani-kanilang mga tahanan ang mga hindi bakunado liban na lamang kung ito ay essential.
Ayon kay Nograles, base sa instructions ng pangulo sa brgy. captains ito ay epektibo sa buong bansa.
Kapag sumuway o hindi sumunod at nagmatigas lumabas ang isang unvaccinated individual ay maaari itong arestuhin.
Maaari ring kumuha ang mga kapitan ng barangay ng mga sibilyan upang maipatupad sa kanilang nasasakupan ang stay-at-home order sa mga hindi bakunado.
Una nang ipatutupad sa Metro Manila ang nasabing kautusan base na rin sa inilabas na resolusyon ng Metro Manila Council.