Iginiit ng mga senador na ilegal at hindi katanggap-tanggap ang ‘no vaccine, no pay’ policy na pinatutupad umano ng ilang kompanya.
Ayon kay Senate President Tito Sotto III, dapat itong agarang aksyunan ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Sabi naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, ang vaccination card ay hindi dapat magsilbing daily time record o patunay na nagampanan ang trabaho.
Diin pa ni Drilon, naglagay sila ng probisyon sa Republic Act 11525 na ang vaccination cards ay hindi dapat ikunsidera na karagdagang requirement para sa employment.
Apela naman ni Committee on Labor Chairman Senator Joel Villanueva, wala dapat brasuhan o shortcut sa paghihikayat ng mga employers sa pagbabakuna ng kanilang mga manggagawa.
Paliwanag naman ni Senator Risa Hontiveros, malinaw sa ilalim ng Labor Code na walang empleyado ang dapat pwersahang i-hold ang sweldo nang walang pahintulot.
Ayon kay Hontiveros, hindi dapat maging requirement o bahagi ng isang polisiya ang ganitong klaseng diskriminasyon laban sa mga manggagawa lalo’t may kakulangan pa rin sa suplay ng COVID-19 vaccine sa bansa.