“No vax, No ride” Policy, dapat ipaunawa sa publiko sa halip na pag-awayan

Iginiit ni Committee on Health Chairman Senator Christopher “Bong” Go na mas dapat ipaintindi sa tao ang “No vax, No ride” Policy sa halip na pag-awayan.

Reaksyon ito ni Go sa isinusulong sa Kamara na imbestigasyon laban sa “No vax, No ride” Policy na umano’y ugat ng diskriminasyon, walang legal na basehan at walang scientific explanation.

Sa pagkakaalam ng senador, layunin ng polisiya na protektahan ang mga hindi pa nababakunahan laban sa COVID-19 at bahagi ito ng mga hakbang na tumutugon sa pandemya.


Tinukoy rin niya na 85% ng COVID patients na nakaratay sa Intensive Care Units (ICU) ng mga ospital sa Metro Manila at nangangailangan ng mechanical ventilators ay mga hindi bakunado.

Paliwanag ni Go, bagama’t hindi mandatory ang vaccination laban sa COVID-19 at hindi pwedeng pilitin ang tao, ay mainam na hikayatin pa rin ang mga ito na magpabakuna para maiwasan ang malubhang sakit o kamatayan dahil sa COVID-19.

Diin pa ng opisyal, ang bakuna ang susi natin para malampasan ang pandemya at makabalik na tayo sa normal na pamumuhay.

Ipinalala rin niya na ang pagiging bakunado ay pagiging parte ng solusyon sa laban natin kontra COVID-19.

Facebook Comments