“No vax, No ride” Policy, pinaiimbestigahan sa Kamara

Ipinasisiyasat sa Kamara ang implementasyon ng kontrobersyal na “No vax, No ride” Policy ng pamahalaan.

Sa House Resolution 2451 na inihain ni Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas, inaatasan ang House Committee on Health at Committee on Transportation na magdaos ng joint inquiry kaugnay sa patakarang ipinatutupad ngayon ng Department of Transportation (DOTr).

Iginiit sa resolusyon na iligal at discriminatory ang nasabing polisiya.


Sa polisiya kasi ay hindi pasasakayin sa alinmang public transportation ang mga taong wala pang bakuna na taliwas sa Republic Act 11525 kung saan hindi dapat gawing requirement ang vaccination cards para maka-avail ng government services.

Ipapatawag sa joint hearing ang mga kinatawan ng apektadong sektor gayundin ang mga opisyal ng DOTr.

Bukod sa pahirap ang “No vax, No ride” ay matinding abala, nagdadala ng takot at diskriminasyon sa mga hindi bakunadong pasahero, ito pa ay nakakabawas sa kita ng mga drayber at operator ng jeepney at iba pa.

Dahil dito, iginiit ni Brosas ang agarang pagsisiyasat at pagbasura sa naturang patakaran.

Facebook Comments