Iniulat ng Department of Transportation (DOTr) na humupa na ang pagtutol ng mga pasahero ng mga pampublikong sasakyan sa ipinairal na “No vax, No ride” Policy.
Sa isang pahayag, sinabi ni Assistant Secretary Artemio Tuazon Jr., na nalinawan na ang riding public sa tunay na layunin ng polisiya.
Na hindi ito isang patakaran na kontra mahihirap kundi layon lang na protektahan ang kalusugan ng lahat sa harap ng mga bagong variant ng COVID-19.
Binigyang diin ni Tuazon na walang dapat ikabahala ang publiko dahil sa National Capital Region (NCR) lang ipinatutupad ang polisiya.
Epektibo lang din naman ito habang nasa ilalim ng Alert level 3 status o mas mataas na paghihigpit ang NCR.
Kapag natanggal na aniya ang restriksyon, masususpinde na rin ang patakaran.
Wala pang katiyakan aniya kung maibababa na sa Alert Level 2 ang NCR sa susunod na linggo dahil nagpupulong pa lang ukol dito ang Inter-Agency Task Force (IATF).