Iginiit ni Senator Risa Hontiveros na walang kundisyon sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps law na kailangang COVID-19 vaccinated ang recipients kaya dapat igalang at irespeto ng mga opisyal ng pamahalaan ang desisyon ng sinuman ukol sa pagbabakuna.
Pahayag ito ni Hontiveros, kasunod ng report na plano umano ng gobyerno na huwag bigyan ng ayuda ang mga benepisyaryo ng 4Ps na hindi pa nakakapagpabakuna.
Diin ni Hontiveros, ang mga ganitong panukala ay hindi makatutulong sa mga mahihirap.
Ayon kay Hontiveros, sa halip na maglatag ng kondisyon ay dapat magtulungan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Health (DOH) para hikayatin ang mga benepisyaryo ng 4Ps na magpabakuna.
Ipinaliwanag ni Hontiveros na basta’t maayos ang paliwanag at may tiwala sa magpapaliwanag ay tiyak magpapabakuna naman ang mga Pilipino.
Inihalimbawa ni Hontiveros ang mga taga-Metro Manila na noong simula ay wala pa sa 40 percent ang gustong magpabakuna pero ngayon ay lampas 80% na ang nagpabakuna.