Ipinaabot na ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang kaniyang pasasalamat sa mga bumubuo ng Kilusang Bagong Lipunan o KBL sa pag-endorso sa kaniya bilang kandidato sa pagka-presidente sa 2022 presidential election.
Sa kaniyang video message, sinabi ni Marcos na isang karangalan na kilalanin ng KBL ang kaniyang kakayahan na pamunuan ang bansa.
Tiniyak din ni Marcos na hindi niya sasayangin ang tiwala na ibinigay sa kaniya ng partido para maging pambato sa susunod na taon.
Ngunit hindi tuwirang binanggit ni Marcos kung tinatanggap niya ang nominasyon bilang kandidato sa pagkapresidente.
Una rito, inaprubahan ng KBL sa Thunderbird Resort and Casino sa Binangonan, Rizal ang resolusyon na humihikayat para kumandidatong pangulo ang dating senador.
Bukod kay Marcos, inaprubahan din ng KBL ang resolusyon na nag-eendorso kay Atty. Larry Gadon bilang kandidato sa pagkasenador sa 2022 elections.
Ang KBL ay ang political party na binuo ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Sa naganap na national convention ng KBL, pinatugtog din ang sikat na awiting Bagong Lipunan na nakilala bilang political jingle sa panahon ng dating presidente.