Pormal nang tinanggihan ni Senator Christopher “Bong” Go ang alok na maging pambato siya sa pagkapangulo sa 2022 elections ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban).
Ang pagtanggi ay nakasaad sa liham na ipinadala ni Go kay PDP-Laban President and Energy Secretary Alfonso Cusi.
Tugon ito ni Go sa Resolution No. 5, series of 2021 na inilabas ng PDP-Laban National Executive Council noong August 4, na nageendorso sa kaniya na maging presidential candidate ka-tandem ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanilang isasabak sa pagka-bise presidente.
Binanggit ni Go sa liham na isang malaking karangalan ang tiwala ng PDP-Laban National Executive Council sa kaniya para maging manok sa pampanguluhang halalan kahit siya ay isang simpleng tao lang mula sa isang siyudad sa katimugang bahagi ng bansa.
Pero diin ni Go, hindi siya intresado na lumaban sa pagkapangulo dahil mas nais niyang tahimik na magserbisyo at ibuhos ang oras at atensyon sa pagtulong sa mga Pilipino na malampasan ang COVID-19 pandemic.