Non-contact body search, ipinatupad sa pagbabalik-operasyon ng MRT-3 ayon sa DOTr

Inihihayag ng pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) na sinimulan nang ipatupad ang non-contact body search ng mga security guard ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) sa mga mananakay ng train sa pagbabalik-operasyon nito kahapon o sa unang araw ng pagpatupad ng General Community Quarantine (GCQ) sa Metro Manila.

Ayon kay DOTr Secretary Arthur Tugade, lahat ng security guard ng MRT-3 na nakatalaga sa mga entrance ay gumamit ng metal detector para inspeksyunin ang bawat mananakay upang maiwasan ang person-to-person contact.

Aniya, sa unang araw ng pagbabalik-operasyon nito, agad na ipinatupad ang pagkuha ng temperatura sa bawat mananakay, kung saan hindi papapasukin sa platform ng mga istasyon ang pasaherong meron 37.8 °C pataas ang body temperature.


Pinaiiral din aniya ang ‘no face mask, no entry’ policy at naglagay din ng mga disinfection mat sa pasukan ng platform.

Sa kasalukuyan, 20 train sets ang tumatakbo sa linya ng MRT-3, kung saan 17 ang CKD train sets at tatlo ang Dalian train sets.

Pinabilis din ang pagtakbo ng mga train mula 30kph hanggang 40kph, at nabawasan ang headway o oras sa pagitan ng mga trainn mula 9.5 minuto pababa sa anim na minuto.

Habang ipinatutupad ang GCQ sa Metro Manila, papayagan lang magkarga ang bawat train set ng 153 na pasahero, kung saan 51 lang na pasahero ang pwede ng sumama kada train car.

Facebook Comments