Umaasa ang Veteran Filipino boxer na si Nonito “The Filipino Flash” Donaire na matutuloy na ang kanilang laban ni Puerto Rican boxer Emmanuel Rodriguez.
Ito’y matapos lumabas na ang resulta ng kanyang confirmatory result na negatibo na siya sa COVID-19.
Sinabi ni Donaire, kinailangan niya at ng kanyang asawa at manager na si Rachel na sumailalim sa isa pang test dahil duda sila sa lumabas sa resulta sa COVID-19 test.
Matatandaang nakatakda sana ang harapan nina Donaire at Rodriguez para sa World Boxing Council (WBC) bantamweight title sa December 19 sa Mohegan Sun Arena sa Uncasville, Connecticut.
Ngunit matapos magpositibo sa sakit, sinasabing umatras si Donaire sa laban at posible namang palitan siya ng Filipino boxer na si Reymart Gaballo kontra kay Rodriguez para matuloy ang WBC bantamweight title.
Huling tumuntong sa ibabaw ng ring si Donaire (40-6, 26 knockouts) noong Nobyembre 2019 kung saan natalo ito sa kamay ni Japanese Superstar Naoya Inoue sa bantamweight final ng World Boxing Super Series.