Normal na water supply sa Metro Manila, posibleng Agosto o Setyembre pa

Manila, Philippines – Posibleng abutin pa ng Agosto bago tuluyang maibalik sa 24/7 ang serbisyo ng mga water concessionaire sa Metro Manila at karatig probinsya.

Sa pagdinig ng House Oversight Committee kahapon inamin ni PAGASA acting Administrator Vicente Manalo na hindi pa sapat ang mga nararanasang pag-ulan ngayon para maibalik sa normal ang suplay ng tubig sa Angat Dam.

Babala ng Local Water Utilities Administration (LWUA), kung hindi uulan ay posibleng sumadsad pa sa 157.57 meters ang tubig sa Angat, ang pinakamababang lebel na huling naitala noong 2010.


Samantala, nagpadala na ng notice of force majeure sa MWSS ang Maynilad at Manila Water.

Paliwanag ni MWSS Chief Regulator Patrick Ty – sa ilalim nito, maaaring suspendihin ang ilang nasa concession agreement kapag nakumbinsi ng mga water concessionaire ang MWSS board na act of God ang dahilan ng krisis.

Pero para kay Act Teachers Representative Antonio Tinio – hindi ito katanggap-tanggap.

Facebook Comments