NOTAM sa pagitan ng Cauayan at Isabela, inalis na ng CAAP; paghahanap sa nawawalang Cessna plane sa Isabela, nagpapatuloy

Inalis na ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang ini-isyu nitong Notice to Airmen (NOTAM) sa pagitan ng Cauayan at Maconacon, Isabela kahapon.

Ayon kay CAAP Spokesperson Eric Apolonio, pwede na ulit bumiyahe ang mga commercial flight sa pagitan ng dalawang paliparan.

Matatandaang nagpalabas ng NOTAM ang CAAP sa gitna ng isinasagawang search and rescue operations sa Cessna RP C1174 na napaulat na nawala sa Isabela noon pang Enero 24.


Pero paglilinaw ni Apolonio, tuloy-tuloy pa rin ang paghahanap sa nawawalang eroplano.

“Tuloy-tuloy po yan hangga’t hindi nakikita not unless i-declare na talagang missing na. But now, tuloy-tuloy pa rin ang paghahanap. Sana makita na,” saad ni Apolonio sa panayam ng DZXL.

Sa ngayon, wala pa ring nakikita ang rescue team na anumang debris o palatandaan ng nawawalang Cessna plane.

Aminado ang opisyal na pahirapan ang paghahanap sa eroplano dahil magubat ang Sierra Madre habang pabago-bago rin ang panahon.

Facebook Comments