Notoryus na Karnaper sa Rehiyon Dos, Arestado

Cauayan City, Isabela- Bumagsak sa kamay ng mga alagad ng batas ang isang notoryus na karnaper at itinuturing na Top 8 Most Wanted person sa rehiyon dos matapos maaresto sa bayan ng Echague, Isabela noong araw ng Linggo, November 21, 2021.

Nakorner sa Sitio Cusili, Brgy. Salvacion, Echague, Isabela ng mga tauhan ng Regional Highway Patrol Unit 2, Echagues Police Station, Regional Intelligence Division 2 at Aglipay Police Station ang suspek na nakilalang si Jayson Cadauan, 32 taong gulang, may-asawa, magsasaka at residente ng Barangay Mabuhay, Echague, Isabela.

Natunton ang kinaroroonan ng suspek sa patuloy na ginagawang monitoring ng Tracker Team ng Quirino Provincial Highway Patrol Team sa pangunguna ni Police Major Gregorio A Sanchez.


Hinuli si Cadauan sa bisa ng Warrant of Arrest para sa kasong Carnapping na inisyu ni hukom Andrew P Dulnuan, ng Regional Trial Court, Branch 31, Cabarroguis, Quirino.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Aglipay Police Station si Cadauan at siya ay pansamantalang makakalaya kung makakapaglagak ng piyansang Php180,000.00.

Samantala, narekober naman ng tropa sa Sitio Catao, Barangay Buringan, Paracelis, Mountain Province noong November 20, 2021 ang isang Mitsukoshi Euro Racer 110 na ninakaw ng suspek noon pang January 11, 2016.

Facebook Comments