Notoryus na Magnanakaw, Arestado sa Pagtutulak ng Droga

30

Cauayan City, Isabela- Tuluyang bumagsak sa kamay ng mga alagad ng batas ang isang kilabot na magnanakaw matapos kumagat sa ikinasang drug buy bust operation ng mga otoridad sa barangay District 1, Benito Soliven, Isabela.


Kinilala ang suspek na si Marlon Bruno, 29 taong gulang, binata at residente rin ng barangay District 1 ng naturang bayan.

Sa eksklusibong pagtutok ng 98.5 iFM Cauayan newsteam sa naturang operasyon na isinagawa ng PNP Benito Soliven na pinangunahan ni PCapt Glanery Cabeliza, hepe ng pulisya, nabentahan ng suspek ng isang (1) sachet ng hinihinalang shabu ang isang poseur buyer kapalit ang halagang limang daang piso (Php500.00).

Dahil dito, agad na dinakip ang suspek matapos itong magpositibo sa transaksyon.

Nakumpiska pa sa pag-iingat ng suspek ang isa (1) pang sachet ng pinaniniwalaang shabu.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Police Master Sergeant Herman Bustenera, imbestigador ng PNP Benito Soliven, nakatakdang sampahan ngayong araw ang suspek ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bineberipika din aniya ang kanilang mga natanggap na alegasyon at reklamo laban sa suspek na mayroon umano itong mga ninakaw na kalabaw matapos na magsilabasan ang kanyang mga nabiktima.




Umamin naman umano ang suspek na hirap na itong makabili ng ibebentang shabu kaya’t nagnanakaw na lamang ng mga gamit sa naturang bayan para may pambili ito ng droga.

Hinihimok ng imbestigador ang sinumang nabiktima ng suspek sa pagnanakaw na magtungo sa himpilan ng pulisya para masampahan ito ng kaukulang kaso.

Facebook Comments