Itinanggi ng isang military official na sangkot ang New People’s Army (NPA) o ang Maute group sa nangyaring pag-atake sa Datu Piang, Maguindanao noong nakaraang linggo.
Sa isang panayam, sinabi ni Philippine Army 6th Infantry Division spokesperson Lieutenant Colonel Anhouvic Atilano, malayo ang NPA sa lugar na pinangyarihan ng pag-atake.
Habang wala aniyang verified report na may Maute group sa Liguasan Marsh area.
Huwebes nang gabi nang umatake ang nasa 50 armadong lalaki sa Barangay Poblacion sa bayan ng Datu Piang at sinunog ang isang police mobile.
Itinuturong nasa likod ng pag-atake ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Tinukoy naman ng Philippine National Police ang mga leader ng grupo na sina Salahudin Hasan na kilala rin bilang Salah at Muhiden Animbang Indong o commander Karialan.
Inihahainda na ng PNP ang pagsasampa ng kasong criminal laban sa mga leader at miyembro ng grupo.
Samantala, naniniwala si Atilano na hindi na muling makapagsasagawa ng mas malaking pag-atake ang grupo.
Aniya, simula Enero, halos 200 miyembro na ng BIFF at Dawla Islamiya ang sumuko sa militar.
Sa panayam ng RMN Manila, matatandaang sinabi ni Philippine Army Commanding Lt. Gen. Cirilito Sobejana na itinuturing nilang isolated case ang pag-atake.