NPA, dapat nang ideklarang terorista – Sen. Lacson

Manila, Philippines – Kinalampag ni Senator Panfilo Ping Lacson ang Department of Justice o DOJ na tutukan ng husto ang pagpapadeklara sa korte na teroristang grupo ang New People’s Army o NPA.

Sa ngayon kasi ay nananatiling nakabinbin sa korte sa Maynila ang inihaing petisyon ng DOJ noon pang Pebrero 2018 para ideklara na teroristang grupo ang NPA dahil sa walang habas na paghahasik ng kaguluhan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Giit ni Lacson sa DOJ, sa loob ng limang dekada ay walang humpay ang panggugulo ng Communist Party of the Philippines o CPP na nagresulta sa pagkawala ng napakaraming buhay pati na rin ang mga kagamitan at ari-arian.


Tinukoy pa ni Lacson ang pahayag ni CPP founding chairman Jose Maria Sison na pangunahin sa kanilang mga plano ngayong taon ang pagpapatalsik kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Punto ni Lacson, lahat na lang ng naging pangulo ng bansa ay sinisikap na patalsikin ng komunistang grupo kasabay ng kanilang mga aktibidad ng pangingikil, panununog at pagnanakaw.

Ikinatwiran pa ni Lacson, na may mga pagkakataon din na umuupo ang grupo sa usapang pangkapayapaan, pero ang mga kondisyon ng mga ito ay pawang pabor sa kanila na kung susuriin ay walang ibang hangad kundi pabagsakin ang pamahalaan.

Facebook Comments