NPA, hindi kailanman magiging seryoso sa pag-amin ng pagkakamali ayon sa PNP

56

Itutuloy pa rin ng Philippine National Police (PNP) ang pagtugis at pagpapanagot sa mga miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) na nasa likod ng pagpapasabog ng Improvised Explosive Device (IED) sa Masbate City, kamakailan na ikinasawi ng magpinsang Absalon.

Ito ang inihayag ni PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar kasunod ng tila walang aksyon sa pamunuan ng komunistang grupo sa panawagang isuko ang kanilang mga tauhan na responsable sa pagkamatay ng magpinsang Absalon.

Para kay Eleazar, walang aasahan mula sa mga rebelde na nagpapanggap lamang na nagsisisi sa kanilang ginawang pag-atake dahil hindi naman talaga sila sinsero sa simula pa lang.


Binigyang diin pa ng PNP chief na tila hindi man lamang kinastigo ng pamunuan ng komunistang grupo ang mga tauhan nitong nasa likod ng pagpatay kina Keith at Nolven Absalon sa halip ay kinonsinte pa nila ang mga ito na ipagpatuloy ang paghahasik ng terorismo.

Sinabi pa ni Eleazar, ang lakas pumuna ng mga rebelde sa pamahalaan at ginagamit pa nila ito para linlangin ang taumbayan ngunit kinakanlong ang kanilang mga tauhan na nakapapatay ng inosenteng sibilyan.

Kaya naman tiniyak ni Eleazar na makikiisa ang PNP sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagsasampa ng kaso laban sa CPP-NPA para mabigyang hustisya ang pagkamatay ng magpinsang Absalon.



Facebook Comments