Manila, Philippines – Inako ng rebeldeng New People’s Army (NPA) ang pagpatay sa pinuno ng Palawan Disaster Risk Reduction Management Office chief na si Gilbert Baaco.
Matatandaang binaril hanggang sa mamatay ng isang armadong grupo si Baaco noong Biyernes Santo sa kanyang bahay sa Barangay Barong Barong, Brooke’s Point, Palawan.
Ayon sa misis ni Baaco na si Maria Victoria, dalawa sa mga miyembro ng naturang grupo ay mga babae na nakasuot ng camouflage at may bitbit na matataas na kalibre ng baril.
Batay pa sa ulat, kinuha ng grupo ang dalawang mahabang baril ni Baaco at dumaan sa likod ng bahay ng biktima para tumakas.
Nagtamo ng apat na tama ng bala ng baril si Baaco at idineklara itong dead on arrival sa isang ospital.
Ikinokonsidera bilang kanang-kamay si Baaco ni Gov. Jose Alvarez.