NPA leader, patay sa nangyaring engkwentro sa North Cotabato

Patay ang isa sa mga pinuno ng New People’s Army o NPA sa Katimugang Mindanao sa ikinasang operasyon ng mga otoridad sa Makilala, North Cotabato.

Kinilala ni Brigadier General Adonis Bajao, Commander ng 1002nd Infantry Brigade ng Eastern Mindanao Command, ang napatay na si Juanita Gore Tacadao na kilala rin sa mga alyas na “Isay” at “Maring”.

Ayon pa kay Bajao, si Tacadao ay tumatayong Logistics at Finance Officer ng tinaguriang Local Terrorist Group na nago-operate sa lugar.


Magsisilbi lang sana ng warrant of arrest ang mga tropa ng militar at pulisya laban kay Tacadao na nahaharap sa mga kasong murder at robbery.

Nakita sa pinangyarihan ng engkwentro ang matataas na kalibre ng baril, landmine, blasting cap at detonating cord.

Natunton din ng mga otoridad ang hideout ni alyas Maring nang magkasa ng follow up operations ang mga sundalo’t pulis kung saan nasamsam ang iba pang armas, bala, granada, food supplies at subersibong dokumento.

Facebook Comments