Camp Melchor F Dela Cruz, Upi, Gamu, Isabela – Inabandona ng mga rebeldeng New People’s Army(NPA) ang kanilang kampo matapos silang salakayin ng 54th Infantry Battalion sa Sitio Galindungan, Brgy. Dango, Tinoc, Ifugao noong umaga ng July 10, 2017.
Sa impormasyong nakalap ng DWKD 98.5 RMN News Team mula kay Army Captain Jefferson Somera, pinuno ng Department of Public Affairs Office (DPAO) at tagapagsalita ng 5ID, Philippine Army, nagkaroon ng 25 minuto na bakbakan kung saan ay nagsipagtakbuhan sa ibat ibang direksiyon ang mga NPA at iniwan ang kanilang kampo na may lawak na 500 kuwadrado metro na may 38 pang nakatayong tolda.
Nakuha mula sa kampo ang dalawang (2) M16 Armalite at isang (1) M14 rifles, ibat ibang gamit pandigma, gamit pang medikal at personal na kagamitan ng mga NPA. Walang nasugatan sa panig ng militar sa naturang operasyon samantalang inaalam pa kung may sugatan o nasawi sa panig ng rebelde.
Ayon kay Lt. Col. Nicolas Quemado Jr., kumander ng 54IB, nagkasa siya ng operasyong militar upang mapigilan ang umanoy plano ng mga rebelde na magsagawa ng karahasan. Ayon sa kanya, mismong mga mamamayan ng Tinoc ang nagsumbong sa mga otoridad sa pagkakaroon ng kampo ng mga rebelde sa kanilang lugar.
Samantala, sinaluduhan ni Maj. Gen. Paul T. Atal, D.P.A. AFP, kumander ng 5ID, ang mga kasapi ng 54IB sa kanilang tagumpay at tangi daw itong pagpapakita na mas malakas ang puwersa ng militar kumpara sa mga komunista. Sinabi pa na habang gumagawa ng mga gawaing terorismo ang mga NPA laban sa mga mamamayan ng Ifugao at Kordilyera ay handang handa ang AFP na protektahan ang mga mamamayan.
Magugunita na ang 54ID rin noong Pebrero 2017, ang nakakubkob ng kampo ng NPA camp sa Brgy. Namal, Asipulo sa pareho ding lalawigan na nagresulta sa pagkakabawi ng mga matatas na kalibre ng baril at pagkakasugat ng isang Dra. Ana Marie Leung.