NPC at ilang partido, itinanggi ang manifesto na sumusuporta kay Cong. Velasco sa house speakership

Manila, Philippines – Hindi pa kasama ang Nationalist People’s Coalition o NPC sa sinasabing pumirma sa manifesto na sumusuporta kay PDP-Laban  Congressman  Lord Allan Velasco sa  house speakership.

Ayon kay NPC Senior Adviser Senate President Vicente Sotto III, wala pang desisyon ang kanilang partido kung sino ang susuportahan sa speakership race sa pagbubukas ng 18th Congress sa July 22.

Aminado si Sotto na ikinagulat niya ang balitang kasama na ang kanilang partido sa mga signatory sa manifesto.


Giit ni Sotto, magkakaroon pa sila ng konsultasyon bago magpasya kung sino ang susuportahan sa house speakership kaya at wala pa silang iniaanunsyo.

Una rito, iginiit naman ni PDP-Laban member Congressman Joey Salceda na walang konsultasyon ang ginawa ang PDP-Laban bago ang pag-endorso kay Velasco.

Maging ang party-list coalition na may 54 na miyembro ay itinanggi na inindorso na nila si Velasco.

Ayon kay Ako Bicol Party-list Representative Alfredo Garbin Jr., mag-uusap pa sila para makuha ang consensus ng mga miyembro ng party-list Coalition bago magpasya.

Bukod kay Velasco ng PDP-Laban, contender din sa speakership sina Martin Romualdez ng Lakas-CMD at Alan Peter Cayetano ng  Nacionalista Party at  National Unity Party o NUP.

Facebook Comments