NSC, nabahala sa Chinese origin ng mga narekober na underwater drone sa ilang karagatan sa bansa

Naalarma ang National Security Council (NSC) matapos makumpirmang may Chinese origin ang ilang underwater drone na natuklasan sa ilang karagatan sa bansa.

Ayon kay NSC Spokesperson at Assistant Director-General Jonathan Malaya, indikasyon ito na minamapa ng China ang ilalim ng dagat sa mga karagatang sakop ng Pilipinas.

Ito’y kasunod ng ulat ng Philippine Navy na 55 hanggang 80 % ang posibilidad na galing sa China ang mga gadget at maaaring nagpapadala ito ng impormasyon pabalik sa Beijing.

Nabatid na tatlo mula sa limang underwater instrument na narekober noong 2024 ay pinaniniwalaang konektado sa China.

Kabilang sa mga lugar na pinagkuhaan ng mga submersible ay ang Pasuquin, Ilocos Norte; Calayan Island; at Initao, Misamis Oriental.

Isa sa mga bahagi ng drone ang na-trace sa China Electronics Technology Group, isang kompanyang sangkot sa military at civilian technology development.

Bagama’t sinasabing pang-scientific at commercial data ang nakolektang impormasyon, hindi isinasantabi ng Armed Forces of the Philippines ang posibilidad ng military application.

Para kay Malaya, may banta ito sa pambansang seguridad kaya’t dapat paigtingin ang maritime patrols at mas maging mapagmatiyag laban sa mga kahina-hinalang aktibidad sa karagatan.

Facebook Comments