NSC, umalma sa travel advisory ng Canada kontra sa pagbisita sa Mindanao

Nanindigan ang National Security Council (NSC) na hindi tumutugma sa umiiral na sitwasyon sa Mindanao ang inilabas na travel advisory ng Canada na nagpapayo sa kanilang mamamayan na umiwas sa pagtungo sa naturang rehiyon.

Sa nasabing travel advisory na may petsang Enero 10, inabisuhan ng Canadian government ang kanilang mamamayan na iwasan ang ilang mga lugar sa Pilipinas na karamihan ay sa Mindanao dahil sa krimen, terorismo, civil unrest, at kidnapping.

Sa isang statement, sinabi ni National Security Adviser Secretary Eduardo Año na bagama’t nirerespeto ng NSC ang karapatan ng lahat ng pamahalaan na maglabas ng mga travel advisory para sa kaligtasan ng kanilang mamamayan, naniniwala ang NSC na mas makabubuti para sa lahat ang paggamit ng isang nuanced approach.


Kaugnay nito, inanyayahan ng kalihim ang mga representante ng pamahalaan ng Canada na makipagdiyalogo sa mga awtoridad sa Pilipinas upang mas maunawaan nila ang context and nuances ng sitwasyong pangseguridad sa bansa.

Facebook Comments