Pinag-iingat ng National Telecommunications Commission o NTC ang publiko laban sa mga magtatangkang sumalisi sa pag-arangkada ng SIM registration ngayong araw, Disyembre a-27.
Ayon kay NTC Deputy Commissioner Ella Lopez, dapat maging mapanuri ang mga cellphone subscriber sa source ng mga link na ipadadala para sa registration.
Una nang tiniyak ng mga telecommunication company na Globe, PLDT/SMART at DITO Telecommunity na may mga ipadadala silang notifications kung paano ang proseso sa pagpaparehistro.
Binigyang diin ni Lopez na hindi gagamit ang mga telco ng 11-digit numbers para magpadala ng kanilang mensahe sa halip ito ay sa pamamagitan ng kanilang computer generated system.
Maaari ring pumunta sa mga service center ng mga telco upang ma-verify kung lehitimo ang natanggap na mensahe o di kaya’y magparehistro na lamang sa website at mobile app ng mga telco upang makasiguro.