Pinaalalahanan ng National Task Force Against COVID-19 ang mga politiko na mahigpit na sundin ang minimum public health standards para hindi matulad ang Pilipinas sa India.
Ayon kay NTF Special Adviser Dr. Ted Herbosa, malinaw na hindi nasunod sa mga proclamation rally ng mga national candidate ang mga health protocol.
Mula aniya sa social distancing at tamang paggamit ng face mask ay nilabag ng mga dumalo sa mga proclamation rally at hindi man lang ito ipinaalala mismo ng mga kandidato sa kanilang mga tagasuporta.
Giit pa ni Herbosa, dapat na kumilos ang mga naatasan ng Commission on Elections (COMELEC) na magpatupad ng mga inilabas na panuntunan sa tamang paraan ng pangangampanya dahil mayroon pa rin nararanasang pandemya.
Paalala ni Herbosa, mahalagang masunod lahat ng mga politiko ang mga pag-iingat para hindi makompromiso ang kaligtasan ng mga botante pati na ang pagdaraos ng halalan sa Mayo.