NTF-ELCAC, bukas sa pakikipagdayalogo kay VP Robredo para maipaliwanag ang misyon ng organisasyon

Walang problema sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na makipag-dayalogo kay VP Leni Robredo para ipaliwanag ang misyon ng kanilang organisasyon.

Sinabi ito ni Defense Secretary Delfin Lorenza matapos ang panukala ni VP Robredo na buwagin ang grupo.

Ayon kay Lorenzana, mali ang pagkakaintindi ng bise presidente sa layunin ng NTF-ELCAC nang sabihin niyang maari itong gamitin na parang “tokhang” laban sa mga mamayan.


Giit ni kalihim, dalawang taon nang ipinatutupad ng NTF-ELCAC ang kanilang mandato at wala kahit isang reklamo mula sa mga barangay na nasasakop ng programa.

Kaugnay nito, sinabi rin ng kalihim na ang banta ng finance committee na bawasan ng 24 na bilyong piso ang budget ng Barangay Development Program (BDP) ng NTF-ELCAC ay pagpapakita lang na hindi nila naiintindihan ang hirap ng buhay sa mga liblib na barangay sa bansa.

Para kay Lorenzana, pinaparusahan lang ng mga senador ang mga mararalitang mamayan sa mga liblib na barangay na makikinabang sana sa mga proyektong pang-imprastraktura at social services na pagkakagastusan ng BDP.

Facebook Comments