Sa isinagawang press conference kahapon sa pagdalaw ng Lacson -Sotto tandem para sa campaign activity sa Lungsod ng Cauayan at sa ibang panig ng Isabela, natanong ang dalawa kung pabor ba sila sa nasimulan ng Administrasyong Duterte na NTF ELCAC para sa mga former rebels lalo na at kabilang ang Region 2 sa natutulungan nito na dahilan din ng pagsuko ng maraming rebelde.
Inihayag naman nina Lacson at Sotto na kung sila ay palarin sa darating na halalan, ay itutuloy nila ang programang nasimulan ng Administrasyon para sa mga former rebels dahil maganda ang konsepto nito at nasaksihan at naranasan aniya mismo nito ang karahasan ng mga terorista halimbawa na lamang yung nangyari sa bayan ng Jones, Isabela na libo-libo ang napatay sa panig ng mga rebelde at tropa ng pamahalaan dahil sa karahasan at terorismong dulot ng mga ito sa komunidad.
Bagamat suportado ng Lacson-Sotto tandem ang NTF ELCAC ay mayroon lamang silang babaguhin sa implementasyon nito na dapat ay tignang mabuti ang mga affected barangays o nangangailangang barangay na i- cleared sa insurgency at ibuhos lahat ang nilaang pondo.
Kung ano rin yung inirekomendang barangay ay yun dapat ang bigyan ng pondo para sa development projects at ipatupad ito ng patas at walang halong pulitika.
Mayroon kasi kaniyang naging isyu sa Mindanao na kung saan ay hindi naibigay ng tama sa mga barangay ang inilaang pondo doon.
Samantala, hindi rin umano dapat nagbibigay ng deadline sa pagsugpo ng insurhensiya sa isang lugar kundi dapat tuloy-tuloy lamang sa pagpapatupad hanggang sa makamit ang inaasam na maging insurgency free.