NTF, pinayuhan si VP Robredo na alamin ang ground situation bago punahin ang COVID-19 efforts 

Pinayuhan ng National Task Force Against COVID-19 si Vice President Leni Robredo na alamin muna ang sitwasyon sa mga komunidad bago punahin ang pandemic response ng pamahalaan. 

Ayon kay NTF Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr., puspusang nagtatrabaho ang mga Local Government Unit (LGU) at mga health frontliners para masugpo ang COVID-19. 

“Ang sinasabi ko lang po kay madam VP, bago po sana kayo mag-comment ay tignan niyo po ang nangyayari sa baba. Ang lahat ng LGUs at health care workers ay nagpapakahirap para masugpo ang COVID-19,” ani Galvez. 


Iginiit din ni Galvez na napaka-dynamic ng problema ng COVID-19 at maraming variables ang kailangang ikonsidera bago ideklarang matagumpay na natalo ang virus. 

“Ang inaano ni VP Leni ay madali kung ang variables ay madaling i-control. Marami pong variables, unang-una discipline at ang behavior ng tao,” sabi ni Galvez. 

Nagiging pahirapan ang paglaban sa pandemya dahil marami pa rin ang lumalabag sa minimum health standard. 

Marami po talagang nag-va-violate. Kahit sinong country ang magkaroon ng ganito ay mahihirapan lalo na populated ang areas, hindi tayo makapag-observe ng social distancing,” dagdag ni Galvez. 

Punto rin ni Galvez na hindi sapat ang bilang ng nurses at doctors sa bansa at ang napabayaang healthcare system ang isa sa mga dahilan kung bakit mabagal ang pagresponde sa pandemya. 

Gayumpaman, sinisikap ng gobyerno na tugunan ang krisis sa anumang paraan. 

Facebook Comments