Nueva Vizcaya, Nakapagtala na ng 4 Nasawi dahil sa COVID-19

Cauayan City, Isabela- Apat (4) na ang naitalang nasawi na may kaugnayan sa COVID-19 sa Lalawigan ng Nueva Vizcaya matapos pumanaw ang isa pang nagpositibo sa Lalawigan.

Kinumpirma ito ni Dr. Edwin Galapon, Provincial Health Officer at chairperson ng Provincial COVID-19 Task Force, sa katauhan ni CV 641, isang 57 taong gulang na babae mula sa Quezon, Solano at siya ay asawa ni CV 568.

Lumabas ang resulta ng swab test ng pang-apat na nasawing pasyente noong ika-25 ng Agosto at siya ay nasa kritikal na kondisyon sa mga araw na iyon.


Ayon naman kay Ginoong John Tugadi, Department of Health Provincial Coordinator, mula noong buwan ng Marso hanggang ngayong Agosto ay nakapagtala na sa kabuuang 57 na kaso ng COVID-19 ang Lalawigan at 37 sa mga ito ay nakarekober sa sakit.

Una nang hiniling ng Provincial COVID-19 Task Force sa National COVID-19 Inter Agency Task Force na isailalim sa Modified Enhance Community Quarantine (MECQ) mula sa MGCQ ang probinsya ng Nueva Vizcaya subalit inihayag ni Governor Carlos Padilla na hintayin na lamang ang magiging pasya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Quarantine status ng Nueva Vizcaya.

Hinimok naman ng Gobernador ang pakikipagtulungan ng bawat isa na gawin at sundin ang mga ipinatutupad na protocols, magkaroon ng disiplina sa sarili upang mapigilan ang pagkalat ng virus.

Facebook Comments