Matatandaan nitong araw ng Huwebes, Enero 6,2022, isinagawa ang tree planting activity sa Purok 6, Busilac, Bayombong, Nueva Vizcaya kasabay ng pagdiriwang ng ika-64th birthday ni Vice Governor Jose “Tam-an” Tomas Sr.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa Bise Gobernador, nakaugalian na aniya nito ang pagtatanim ng mga punong kahoy sa kanyang nasasakupan tuwing ipinagdiriwang nito ang kanyang kaarawan.
Nais kasi niyang mas makilala pa ang probinsya ng Nueva Vizcaya at maging Narra Capital of the Philippines kung kaya’t isinasagawa nito ang taunang tree planting activity.
Sinabi ni Vice Governor Tomas Sr., hindi masyadong tinatamaan ng bagyo ang Nueva Vizcaya at balanse din ang klima kayat nakatitiyak itong mabubuhay ang mga punong itinanim.
Ipinaliwanag din ng Bise Gobernador, malaki aniya ang economic potential ng Narra tree kung saan posibleng kikita ng milyon pagkalipas ng dalawampung taon.
Dagdag pa ni Vice Gov. Tomas Sr., pinili nito ang pagtatanim ng puno ng Narra dahil sa katangian nitong matibay na sumisimbolo sa katatagan, pag-asa, at siya ring maipapamana sa mga susunod pang henerasyon.