Manila, Philippines – Kahit ilang beses na maideklarang nuisance candidate ang isang senatorial aspirant ay walang karapatan ang Commission on Elections na tanggalan sila ng pagkakataon para makapaghain ng kanilang certificate of Candidacies.
Sinabi ni COMELEC Spokesman James Jimenez na nasa kamay na ng legal team ng comelec kung maituturing na nuisance candidate ang isang senatorial aspirant.
Gaya na lamang ni Daniel Magtira na umaasang hindi maidedeklarang nuisance candidate sa nalalapit na 2019 midterm elections.
Nakilala siya noong nakaraang filing ng COC matapos nitong sabihin na asawa siya ni Kris Aquino.
Ngayon naman ay isinusulong nito ang pagbuhay sa pinoy rock dahil bokalista ito noon ng bad face rock band.
Si dating Mayor Abner Afuang ng Pagsanjan, Laguna ay tatakbo ding Senador kung saan isinusulong nito ang death penalty at sumusuporta sa drug war campaign ng pamahalaan.
Habang si Christian Castro naman ay nagsusulong ng piso mula sa puso para tulungan ang mga mahihirap.
Nagpaalala naman ang COMELEC sa mga naghahain ng kanilang COCs na kapag napatunayan na ginagawa nilang katatawanan ang electoral process ay posibleng sampahan sila ng kaso.