NUJP, dudang walang kinalaman si Pangulong Duterte sa pagkakasara sa ilang media outfits

Duda ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) na walang kinalaman si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapasara sa ilang media companies gaya ng ABS–CBN at Rappler.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni NUJP Chairperson Jonathan de Santos na hindi naman nila sinasabi na walang basehan ang mga kaso laban sa dalawang media company.

Pero aniya, nagsimula ang mga kaso matapos ang mga naging pag-atake ni Pangulong Duterte laban sa mga kompanya.


“Kung titingnan kasi natin, itong mga kaso na hinarap ng ABS-CBN, Rappler tsaka ng iba pang media outfits, nauna dito ay inatake ng presidente sa mga speech niya, parang pinaratangan na niya agad, parang sumunod na lang ‘yung mga kaso ‘no? So, hindi natin talaga masasabi na wala siyang kinalaman sa mga ‘to,” ani De Santos.

“Kumbaga, ipinaabot na ng presidente yung gusto niyang mangyari. Sabi nga niya, kung siya ang masusunod, wala nang franchise ang ABS-CBN at ‘yon nga ang nangyari. So, hindi rin natin masasabi na walang influence ang Malacañang sa Kamara ‘no,” dagdag niya.

Una nang pinalagan ng Malacañang ang pagkakasama ni Pangulong Duterte sa inilabas ng international media watchdogs na Reporters Without Borders na listahan ng mga lider ng bansa na itinuturing na “press freedom predators”.

Pero sabi ni De Santos, bago pa man lumabas ang report ay hindi na talaga maganda ang katayuan ng bansa pagdating sa press freedom.

Facebook Comments