NUMBER CODING SCHEME SA CAUAYAN CITY, PAPALITAN NA

Cauayan City, Isabela- Magsasalitan na ng araw ng pamamasada ang mga traysikel drivers dito sa Lungsod ng Cauayan.

Ayon kay POSD Chief Pilarito Malillin, papalitan na ang number coding scheme sa mga namamasadang traysikel at posibleng maipatupad sa February 28 ngayong taon.

Ipinaliwanag ni Mallillin na isinuhestiyon ito ng mga traysikel operators and drivers dahil mas nalulugi umano ang mga lumalabas at namamasada sa mga araw ng Martes, Huwebes at Sabado.

Sa pagpapalit ng number coding scheme ay magsisimulang mamasada ang mga traysikel na nagtatapos ng even sa Body number na 2,4,6,8 at 0 na kung saan ay lalabas na ang mga ito sa mga araw ng Lunes, Miyerkules at Biyernes.

Habang ang mga traysikel na nagtatapos ang Body number sa 1,3,5,7,9 o Odd numbers ay sa mga araw ng Martes, Huwebes at Sabado naman sila maaaring mamasada.

Pagkatapos naman ng isang buwan ay magpapalitan muli ng schedule ang mga traysikel driver ganun din sa mga susunod pang buwan para wala umanong magreklamo sa kani-kanilang mga schedule.

Exempted naman sa number coding scheme ang mga pribadong sasakyan at walang nasusunod na number coding sa araw ng Linggo.

Samantala, hindi pa pwedeng ipatupad ang kahilingan ng mga traysikel operators and drivers sa Lungsod na dagdag pamasahe na gawing 15 pesos ang minimum fare sa Poblacion hanggat wala pang kaukulang permit na galing sa City Council.

Facebook Comments