Irerekomenda ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Metro Manila Council (MMC) ang pagbabalik ng modified number coding scheme sa Metro Manila.
Kasunod ito ng pagsasailalim sa National Capital Region (NCR) sa Alert Level 2 kung saan mas marami ng establisyimento ang nagbalik-operasyon.
Ayon kay MMDA Chairman Benhur Abalos, irerekomenda nila sa Metro Manila mayors na ibalik na ang number coding scheme mula alas-5:00 hanggang alas-8:00 ng gabi.
Maaari rin aniya nilang hilingin sa mga alkalde ang pagpapatupad nito tuwing alas-7:00 hanggang alas-9:00 ng umaga.
Paliwanag ni Abalos, nagsisimula nang bumalik sa pre-pandemic nag lagay ng trapiko sa NCR lalo na tuwing Biyernes.
Sa ilalim ng number coding scheme, ang mga sasakyan na may plate number na nagtatapos sa 1 at 2 ay ipagbabawal tuwing Lunes; 3 at 4 tuwing Martes; 5 at 6 kapag Miyerkules; 7 at 8 tuwing Huwebes at 9 at 0 naman kapag Biyernes.
Matatandaang ipinahinto ang coding scheme sa NCR matapos magpatupad ng limitadong pampublikong transportasyon noong mataas ang kaso ng COVID-19 sa rehiyon.