Nurse na nagpositibo sa COVID-19, ‘pinalayas’ ng landlady at ‘hindi tinulungan’ ng nilapitang brgy

COURTESY PHILIPPINE RED CROSS/DR. AIDA BELTAJAR

MAKATI CITY – Tinulungan ng Philippine Red Cross ang isang nurse na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) kamakailan. Ang kaawa-awang frontliner, pinalayas umano sa inuupahang bahay at hindi rin tinulungan ng health center ng pinuntahang barangay.

Sa isang ulat, ikinuwento ni Dr. Zenaida Beltajar ang nakapanlulumong sinapit ng medical worker na itinago sa pangalang Gem.

Ayon kay Beltajar, nakita niyang nakaupo ang nurse sa isang bangketa at may bitbit na mga gamit. Bago raw ito matagpuan ng doktor, nagpalakad-lakad na sa lansangan si “Gem” dahil pinalayas siya ng kaniyang landlady matapos ipaalam na dinapuan siya ng virus.


Dahil hindi raw siya makauwi ng Batangas, minabuti ni “Gem” na magtungo sa health unit ng Barangay Olympia sa lungsod ng Makati para humingi ng saklolo.

Pero imbis na tulungan, binigyan lamang ito ng contact number na maaring matawagan kaugnay ng sitwasyon nito.

Kaya labis ang pasasalamat ni “Gem” kay Dr. Beltajar dahil sa pagligtas sa kaniyang buhay.

“Nanlumo ako nung nakita ko siya. Sobrang sakit kasi imagine people who have been working helping other tapos ganoon ang treatment sa nurse na COVID-19 positive,” saad ng emosyonal na doktor.

Sa ngayon ay nasa pangangalaga ng Quezon Institute ang frontliner na tinamaan ng virus.

Agad naman pinaimbestigahan ni Mayor Abby Binay ang nasabing insidente lalo na’t may ordinansa sa siyudad na bawal ang diskriminasyon sa mga medical worker or sinumang dinapuan ng COVID-19.

Pinagpapaliwanag na rin ng pamahalaang lokal ang sangkot na landlady, mga kawani ng barangay, at maging ang kompanyang pinagtratrabahuan ni “Gem.”

Facebook Comments